Related items based on your search keywords will be listed here.

Home>For Jobseeker > Fresh Grads: Kasanayan o Malaking Sahod?
For Jobseeker

Fresh Grads: Kasanayan o Malaking Sahod?

Karina

September 11 • 7 min read

Taon-taon, pagkatanggal ng mga college seniors ng kanilang mga toga, agad silang naghahanda upang sumali sa workforce.

Subalit hinaharap ng mga graduates natin ang isang tanawin kung saan ang unemployment rate ay umabot ng 6.6% noong unang sangkapat ng 2015, mula sa 6% ng huling sangkapat ng 2014, ayon sa ulat ng National Statistics Office.

Dahil mahalaga ang bawat pagkakataon na magkatrabaho, tanungin mo ang sarili mo kung ano nga ba ang mas nakakahigit para sa iyo: malaking sweldo o ang makabuluhang pagsasanay sa napili mong trabaho. Iba ang paghahanap ng trabaho na magugustuhan mo sa paghahanap ng trabaho na matutustusan ang mga gastusin mo, at kung minsan kukulangin ka talaga ng panahon para makahanap ng trabahong masasagot ang dalawang hangarin na iyan.

Sa pagiging masinop sa iyong career, isaloob mo na hindi lahat ay mangyayari ayon sa gusto mo. Minsan, ang trabahong makapagbibigay sa iyo ng malaking pera ay hindi ang trabahong makapagbibigay sa iyo ng kasanayan na kailangan mo para sa kinabukasan. Ito ang dahilan kung bakit halos palipat-lipat ang mga tao sa kanilang unang apat na trabaho, ayon sa mga dalubhasang propesyonal. Humigit-kumulang, sa panlimang trabaho mo pa makikita ang sarili mong manatili sa isang kumpanya.

Kaya kapag hindi mo kaagad makuha ang tamang trabaho para sa  iyo, normal lang iyan. Ituring mo ang mga una mong pinagtrabahuhan bilang pagkakataon upang tantiyahin ang nararapat sa iyo sa pangkasalukuyan, habang pinag-aaralan mo ang career mo sa pangmatagalan. Posibleng kailangan mong pumasyang manatili sa isang trabaho nang mas mahabang panahon depende sa sitwasyon mo.

Alamin natin ang karanasan nila Maan at Edgar na tumahak sa magkaibang landas.

Ang kaso para sa kasanayan

Nahirapan si Maan Tejade, na nagtapos ng Journalism, makahanap ng kanyang first job. Pero nang nahanap niya ito, ‘di na niya binitawan ang kanyang bagong trabaho. Nagtrabaho siya bilang editorial assistant sa isang publishing company. Naatasang siyang gawin ang mga clerical at administrative na trabaho bago siya nabigyan ng beat at naging ganap na mang-uulat. Gusto niya ang trabaho niya, pero naghihinayang siya sa mababang sweldo.

“Noon pa man, pangarap ko na ang maging journalist,” sabi ni Maan.

Sa kamakailan, nararamdaman na niya ang hirap ng pagiging beat reporter: ang mahahabang oras sa field at ang maliit na sahod na inuuwi niya. Subalit pinagpasiyahan ni Maan na magtiis sa kanyang career, dahil alam niya na may mararating rin siya pagkatapos ng 5 taon, kung kailan maiituturing na niya ang sarili niya bilang isang seasoned pro.

“Maliban na lang siguro sa tuwing ika-15 at ika-30 ng buwan,” patawang nasabi ni Maan.

Ang kaso para sa mataas na sahod

Iba naman ang karanasan ni Edgar Caballes. Makalipas ang isang dekadang pagpupursigi, nagawa niyang maging desk editor sa isang kilalang lokal na pahayagan. Lumipas ang panahon, lumipat siya sa isang business process outsourcing (BPO) company, at natanggap siya bilang isang e-mail support staff.

“Mas mataas talaga ang sweldo dito at madali lang ang trabaho,” sabi ni Edgar. “Hindi ito ang dream job ko, pero natutustusan niya ang mga babayarin.”

Nang tanungin kung bakit siya umalis sa dati niyang trabaho sa pahayagan, samu’t sari raw ang mga dahilan niya. Sa huli, pinili ni Edgar umalis dahil praktikal ang desisyong ito.

“Bagong kasal ako. Inaabangan pa namin ng asawa ko ang aming unang anak,” dagdag niya.

Dagdag rin ni Edgar na gusto niyang umasenso sa industriya ng BPO, at sa kasalukuyan ay nakahanay siya na maging team lead.

Isaisip ang iyong kinabukasan

Para kay Maan at kay Edgar, sari-sariling dahilan ang umuudyok sa kanila. Gusto ni Maan tiisin ang mga unang ilang taon dahil sa tingin niya makabubuti ito sa kaniya. Habang si Edgar, na hindi isang fresh grad, ay pinili ang mas praktikal na landas at malaki na ang kanyang kinikita.

Ang katotohanan ay hindi magiging kasing-swerte ang lahat na makapasok sa kanilang inaasam na industriya o trabaho. Tanungin niyo ang mga nakatatanda niyong mga katrabaho at marami sa kanila ay kukuwentuhan kayo kung paano sila nag-umpisa sa trabahong ibang-iba sa ginagawa nila ngayon. Sa totoo lang, may mga panahon na hindi mo talaga makukuha ang lahat ng gusto mo.

Kung gusto makakuha kaagad ng malaking sahod, puwede mo namang tanggapin ‘yang trabahong may mataas na sweldo kahit walang kinalaman ang trabaho sa pinagtapos mo sa kolehiyo. Pero kahit ano man ang piliin mong gawin, huwag mong kalimutan kung ano ang mga layunin mo sa pangmatagalan.

Tanong namin sa inyo, mga mambabasa: Anong payo ang maibibigay ninyo para sa mga fresh grads — kasanayan o malaking sahod?

Isinalin ang blog post na ito galing sa Ingles na artikulo ni Paulo Vargas.

Share Via:
Tags: Admin Staff

About The Writer

Hello, my name is Karina and I work as a freelance contributor at Kalibrr. I enjoy reading self-improvement books and working out. More about Karina

Comments (0) Post Comment

No comment available yet!