Saklolo! Paano Ko Idadaan sa Negosasyon ang Sweldo Ko?
Nalampasan mo na ang ilang pasada ng interbyu at nakilala mo na rin ang magiging superbisor at mga katrabaho mo. At wow, ibibigay na raw sayo ang posisyon na gusto mo! Pero may problema ata. Parang hindi ata sapat ang sweldong inaalok sayo. May pwede ka bang gawin para itaas ito ng kaunti? Pwede mo idaan sa negosasyon ang mga patakaran ng iyong pag-empleo. Tiyak na nakakatakot isipin at mas lalo nang nakakatakot gawin ang pakikipag-usap tungkol sa paghingi ng dagdag na sweldo. Mapapaisip ka, “Magagalit kaya superbisor ko kung humingi pa ko ng pera?” O baka naman isipin nila na suwapang ka. O baka naman biglang bawiin nila sa iyo ang posisyon na binigay na nila. Paano mo sasabihin sa kanila na kahit gustong-gusto mo man ang trabaho na binigay nila, hindi lang talaga sapat ang magiging sweldo mo? Ito ang mga paraan para idaan sa negosasyon ang sweldo mo.
TOPICS
Magsaliksik nang maiigi
Bago ka humingi halaga ng sweldong gusto mo, siguraduhin mo muna na siyasatin ang karapat-dapat mong makuha. Lahat naman tayo ay ninanais na makakuha ng mataas na sweldo pero kailangan isipin rin natin ang konteksto ng posisyon mo. Magtanung-tanong ka sa mga kakilala mong kapareho mo ng edad, lugar na tinitirahan at industriya upang malaman ang nakukuhang sweldo ng mga katulad mo. Sa iyong pagsaliksik, mabibigyan ka ng ideya kung magkano ang pwede mong hingiin na hindi lalabis at hindi kukulang. Kumausap ka rin ng mga kakilala mong mas matagal nang nagtratrabaho sa industriya dahil mas alam nila ang katanggap-tanggap na halaga ng sweldong pwede mong hingiin. Dapat kaya mo ikatwiran ang halaga ng sweldong hihingiin mo. Kung mabibigyan mo ng sapat na ebidensya na karaniwan lang sa industriya ang hingiin mo, mas madaling magwagi sa negosasyon.
Intindihin mo ang panig nila
Sa isang negosasyon, kailangang makinig at umintindi rin sa panig ng kausap mo. Gusto maintindihan ng kumpanya ang mga pangangailangan mo kaya pumayag sila sa isang diskusyon tungkol dito. Katulad ng pag-intindi nila sayo, sikapin mo ring intindi ang panig nila. Meron sigurong mga dahilan ang kumpanya kung bakit ang unang offer nila sayo ay mas maliit sa inaasahan mo. Minsan may mga kondisyon sa pagsusuweldo, gaya ng salary caps, na kailangan sundan ng mga kumpanya. Buksan mo rin ang isip mo sa ibang posibilidad. Kung mag-alok sila ng ibang alternatibo tulad ng pagdagdag ng benepisyo, pwede mo rin ito tanggapin. Marahil yun lang pwede nilang ibigay sa iyo.
Busisiin ang sweldo at ang lahat ng mga benepisyo
Madalas, ang mga sweldong binibigay ng mga kumpanya ay may kasamang mga benepisyo rin. Tulad ng nakasaad sa nakaraang talata, kailangang maging bukas ang isip mo sa ibang posibleng alternatibo sa mas mataas na sweldo. Kung hindi ka nila kaya bigyan ng sweldong gusto mo, baka pwede ka nila bigyan ng ibang dagdag na benepisyo. Baka maaaring bigyan ka nila ng dagdag na panggastos para sa iyong transportasyon. O baka naman pwede kang humingi ng mas maraming araw na pambakasyon. Kahit hindi kaya ibigay ng kumpanya ang sweldong gusto mo, baka mapagbigay sila sa ibang paraan kaya dapat maging bukas sa mga alternatibo.
Maghanda para sa mga katanungan
Dahil ito ay isang negosasyon, kailangan maghanda ka para sa mga posibleng itatanong ng mga kumpanya. Malamang na mahihirap ang mga itatanong sayo ng mga kumpanya dahil usapang pera yan. Abangan mo nang itanong sayo ang, “Bakit naming dapat ibigay sayo ang mas malaking sweldo?” Maglalaan sila ng dagdag na puhunan sa iyo kaya dapat kaya mo sila kumbinsihin na karapat-dapat kang makakuha nito. Gusto nila malaman kung ang iyong kredensyal ay sapat na katibayan na karapat-dapat bigyan ka ng dagdag na sweldo. Tinitiyak rin nila ang iyong kalagayan sa buhay dahil marahil kakailanganin mo nga ang dagdag na pera. Nakatira ka ba sa malayo? Dahil kung sa malayo ka nakatira, baka ito ay isang ebidensya na kinakailangan mo nga ng mas mataas na sweldo para pangtustos ng transportasyon. Ihanda mo ang sarili mo na sisiyasatin ka nang maigi ng kumpanya. Dapat mapakita mo talaga sa kumpanya na magiging isa kang masipag at magaling na empleyado. Pero tandaan na kahit gusto mo pahangain ang kumpanya, hinding-hindi ka dapat magsisinungaling tungkol sa iyong kredensyal. Huwag ka rin magbigay ng masyadong maraming impormasyon na maaaring mawala ang iyong kalamangan sa negosasyon. At huwag na huwag kalimutang mag-ensayo ng mabuti bago ang negosasyon nang masagot nang maiigi ang lahat ng mga katanungan. Ngayong nakapagsiyasat ka na at nagensayo nang mabuti, pwede ka nang pumunta sa iyong negosasyon nang walang alinlangan. Huwag mong hayaang maunahan ka ng kaba, at makipag-usap nang mahinahon, at tandaan ang lahat ng gusto mong sabihin. Kayang-kaya mo yan! (Read this article in English)
No comment available yet!