Related items based on your search keywords will be listed here.

Home>For Jobseeker > Paano Bitawan ang Salitang “Hindi” sa Trabaho
For Jobseeker

Paano Bitawan ang Salitang “Hindi” sa Trabaho

Karina

August 10 • 7 min read

Hindi.  Napakasimpleng salita pero napakahirap sabihin. Marami sa ating mga Pinoy ang nahihirapan bitawan ang salitang “hindi” dahil takot tayong masaktan ang kausap natin. Sa halip nito, ang sasabihin natin madalas ay, “pwede,” “tingan natin,” at iba pa. Isipin mo na lang ang hirap na humindi sa trabaho. Kung humindi tayo sa overtime, baka sabihin ng mga katrabaho natin na tamad tayo.

Paano kung tinanong ka ng boss mo kung pwede kang humawak ng bagong proyekto kahit marami ka nang ginagawa? Iisipin ba niya na sa pag-hindi mo, ayaw mo na maging lider? Sa totoo lang, mahirap din talagang tanggapin ang salitang “hindi.” May mga sitwasyon sa trabaho kung saan hindi posible ang humindi o kaya naman ito ay makakasira sa proyekto. Ayaw mong mapunta sa posisyon ng taong humindi noong kailangan siya. Pero kailan at paano humindi?

Alamin mo kung ano ang kailangan nila

Kapag napakaraming gawaing nakalista sa “To Do” list mo, masarap talaga sanang humindi sa mga bagong request. Oo, hassle ang kunin pa ang trabaho ng iba kapag napakarami mo nang ginagawa pero hindi mo kailangan maging mataray tungkol dito. Alamin mo muna kung ano ang talagang hinihingi nilang tulong bago ka humindi.

Kahit napakadaling humindi agad agad, baka naman ang kailangan nila ay hindi pala mahirap at pwede palang gawin ng mabilis lamang. Ibigay mo ang tulong na kaya mong ibigay pero huwag mo din iwan ang inatas sa iyo. Ito ang pwede mong sabihin,

“Gusto talaga kitang tulungan pero sunod-sunod ang deadlines ko ngayon at bukasGanito nalang, bigyan mo ako ng listahan ng mga pwede kong itulong sayo at yung mga deadline nito tapos balikan kita mamaya sa kung ano ang kaya kong gawin at kailan ko ito kayang gawin.” Dito, hindi ka naman talaga humindi. Sa pagsabi nito, maayos niyong mapaguusapan ang pwedeng gawing kompromiso.

Magbigay ng alternatibo

Imbis na humindi, bigyan mo nalang sila ng alternatibo. Kunwari, hinihingi ng co-worker mo ang tulong mo sa pag-ayos ng Christmas party. Napakarami ng kailangan mong gawin pero may utang na loob ka din sa katrabaho mo. Pwede ka pa rin tumulong pero hindi mo naman kailangan maging event organizer o committee head.

Maraming alternatibo na makakatulong ka pa rin. Baka pwedeng ikaw ang mamahala ng registration booth, o tumulong ka sa pag decorate sa lugar. Pwede rin na kung wala namang deadline, sabihin mong makakatulong ka sa ibang oras, pag nabawasan na ang gawain mo.

Humindi ng hindi humihindi

Humindi ng hindi humihindi. Nakakabulol at mahirap gawin. Paano ka hihindi sa boss mo? Ayaw mo naman magmukhang tamad o makapal ang mukha, lalo na kung gusto mong magustuhan ka ng boss mo at magustuhan niya ang pagtrabaho mo. Pero minsan, nakakalimutan nila ang lahat ng mga nakaatas sa iyo.

Ang isang paraan para humindi nang hindi talaga gamitin ang salitang “hindi” ay ang ipaalala lamang ang iyong workload. Humingi ka ng tulong para alamin kung ano ang uunahin mong trabaho. Sa ganitong paraan, malalaman nila kung ano talaga ang ginagawa mo at kung gaano ito kadami. Malalaman nila kung ano talaga ang nais nilang gawin mo at kung ano ang mga pwedeng iiwan na lang para sa ibang araw.

Be firm but gracious

May mga oras na kailangan mo talagang hindi. Kapag kinakailangan ito, hanapin mo lang ang balanse sa pagiging masyadong mabait at pagiging bastos.   Kunwari, may nakaplano ka nang bakasyon. Na-schedule mo na ang trabaho mo para pag alis mo, wala ka nang iisipin.

Okay na ang lahat pero biglang humihingi ng tulong ang katrabaho mo sa mga hindi niya natapos. “Sige na, last na.” Alam mo na kung tinulungan mo siya, mauubos ang oras mo para sa sarili mong trabaho at hindi ka makakaalis sa nakaakdang oras.

Huwag mong tanggapin ang atas niya kung ang sarili mong trabaho ay hindi mo magagawa ng maayos. Sabihin mo “Sorry, hindi kita matutulungan. Kailangan ko muna gawin ang trabaho ko at magsimula ka na rin, baka matapos mo pa ng maaga.”

Ang pag hindi ay hindi pagiging maarte. Kailangan mo humindi paminsan minsan para mabuhay sa isang corporate setting. Ang pag hindi ay isang sining o sa Ingles, “art.” Aralin mo ito, i-practice, at gawin.

Share Via:

About The Writer

Hello, my name is Karina and I work as a freelance contributor at Kalibrr. I enjoy reading self-improvement books and working out. More about Karina

Comments (0) Post Comment

No comment available yet!